Wala na naman akong maikukwento mula sa daan, pero meron namang magandang nangyari sa akin. Pangalawang linggo ko nang nasa bago kong posisyon at masasabi ko namang nag-eenjoy ako dito dahil nakapagre-review na naman ako ng mga essays ng mga estudyante -- ang original kong trabaho noong nagsisimula pa lang ako.

Sa totoo lang, mas nag-enjoy ako ngayong araw dahil naramdaman ko ang tamis ng tagumpay dahil sa to-do list ko. Simple lang ang listahan ko kanina:

P uminom ng tubig pagdating sa office
P mag-review ng dalawang essay
P mag-lunch/magyosi
magreview ng tatlong essay
magyosi
magreview ng dalawang essay
magyosi
O magreview ng tatlong essay
umuwi 

Sa siyam na tasks na nilista ko, isa lang ang di ko nagawa nang eksakto. Imbis na magreview ako ng tatlong essay ng sunud-sunod, nag-yosi ako bago ko gawin ang huling essay ko. Hindi na rin masama. Bukas, ipeperfect ko na tong list na ito dahil sobrang sarap talaga makakuha ng mga check marks kahit galing lang sa sarili. Anyway, teacher naman din ako. Hahaha!








Personal - Top Blogs Philippines

Tatlong araw na ang nakalipas nang huling mag-post ang kaibigan kong blogger na si Xander. Tatlong araw din akong naghintay ng post niya. Akala ko naman, kung ano na yung ipopost. Yun pala, sulat para sa dating katipan mangingibig. Isang parte ito ng orihinal na post na isinulat niya:

Let me just tell you straight that lately my feelings is really acting weird. At times I realized, what If I fought for you and that I didn't give up just like that. What If I didn't agree on the idea that we will never be together again. What If I said "No", when you said goodbye to be with someone. What if... I remember the movie "Letters to Juliet", we watched it together and it says... "What" and "If" are two words as non-threatening as words can be. But put them together side-by-side and they have the power to haunt you for the rest of your life: What if? What if? What if?
I admit "What if" is haunting me now. But everytime "what if" starts to disturbed me, I resist and keep away from it. That's the only way I know to keep myself from getting hurt. That's my way of protecting myself from possible pain (again). I am such a looser right?
Pagkatapos kong mabasa ang parte na iyon, umandar na ang automatic na jukebox sa ulo ko. Akalain niyo ba namang may kanta pala si Kate Winslet tungkol dun.



Naging paborito kong kanta ang "What If" noong unang panahon dahil naging busy ako sa pag-aalala tungkol sa mga bagay na, sana, nangyari. Maraming panahong nasayang lang dahil sa pagmumukmok ko sa kwarto habang nakahiga sa kama at umiinom ng pinaghalong Pepsi Blue at Red Horse -- nag-iisip ng ano pa nga ba kundi -- What if? Buti na lang, natauhan din ako. Buti na lang, may naisagot din akong kanta para sa "What If." Ito yun:



"Bless the Broken Road" ng Rascal Flatts. Simple lang naman ang sagot sa mga what if questions. Faith. Pananampalatayang ang lahat ay nangyayari dahil may dahilan. Sabi nga sa kanta, "It's all part of a grander plan that lead me straight to you." Optimism. Pagtingin sa magagandang parte ng buhay kahit sa unang tingin, hindi maganda ang mga nangyayari.

In a way, sulit na rin ang pag-hihintay ko sa post ni Xander. Nakahanap ako ng sound trip, na baka nga maging isang regular na parte na rin ng blog na ito. Kung nababasa mo tong post na to, dude, sana nga, makakawala ka na sa mga what ifs ng buhay mo at makuha mong tingnan ang mga kabiguang nangyari nang may pananalig at pag-asa. Tara na! Tagay na tayo sa Tagaytay!

Dalawang araw pa lang ang nakakalipas, marami nang nangyari sa buhay ko. May gulo sa opisina -- isang hidwaang dala ng katotohanang sumambulat, ikinagulat, at ikinagalit ng maraming tao -- at naipit na naman ako sa gitna dahil itinuturing na mitsa ng gulo ang isa sa aking mga tao. Lahat ng ito ay nangyari noong Lunes. Kanina tuloy, habang nakaupo ako sa van papuntang Alabang, marami akong napatunayan tungkol sa katotohanan, pakikipag-kaibigan, at pagpapakatao.

Totoong nabubunyag ang katotohanan kahit itago pa ito sa kailaliman ng baul sa gitna ng dagat. Nagsimula kasi ang gulo sa office dahil may isang taong nagkimkim ng sama ng loob laban sa isa pang tao. Naikuwento niya ang sama ng loob niya sa isa pang tao (take note, pangatlong tao na ito), na sa di inaasahang pagkakataon ay naisiwalat ang lahat sa taong pinagkimkiman ng galit. Ang ending? KABOOOM! Malaking gulo sa Facebook!

Totoo ding kung ang pagkakaibigan ng dalawang tao ay tunay, magkakaintindihan sila kahit ano man ang mangyari. Tungkol sa akin ang pangalawang realization na ito. Siyempre, kasi tauhan ko ang ang nagsiwalat ng kwento sa taong nagwala sa Facebook eh. Nagkataon namang ang ibang mga sangkot sa gulo ay hawak ng kaibigan kong supervisor din. Dahil naaapektuhan na ang trabaho ng mga tao niya dahil sa gulo, may away tuloy sila ng tao ko. Ako naman, mariin kong pinangangalagaan ang katinuan ng tao ko at sinasabihan siyang huwag nang umimik pa para hindi na siya awayin ng kaibigan ko. Sa kabila ng lahat, kami ng kaibigan kong supervisor ay masaya pa ring nagtatawanan kahit na ibang iba ang mga pananaw namin sa nangyayari.

Ikatlo at higit sa lahat, importanteng gumawa ng tama kahit pa anong mangyari. Kung tutuusin, advice ko ito sa lahat ng sangkot sa gulo. Para sa taong nagagalit dahil may narinig siyang masama tungkol sa kanya, dapat hindi na lang siya gumawa ng irereklamo sa kanya ng ibang tao. Para sa tao kong napagkwentuhan at nagsiwalat ng kinimkim na galit, dapat alam niya na kung sinabi sa kanya ang masasamang ugali ng isang tao, hindi na niya iyon dapat pang sinabi kahit kanino dahil lagi namang may kasamang "atin-atin na lang ito" ang ganong mga usapan. Para sa taong nagtago ng hinanakit, dapat di na rin niya binanggit sa iba ang hinanakit niya. Dumiretso na lang dapat siya sa taong kinaiinisan niya kapag malamig na ang ulo niya. Maganda sana ang mga "dapat" na nakalagay dito, pero alam naman natin ang kasabihan: nasa huli ang pagsisisi.

Marami pa akong naisip pero nakalimutan ko na ang iba dahil nagbabadya na ang pagbabago ko ng tungkulin sa opisina kaya nakalimutan ko na. Sayang -- kasi naman, nakakaaliw yung mga nakalimutan ko at hindi kasing bigat ng naiblog ko ngayong madaling araw. Anyway, maaalala ko rin iyon sana.

Hindi ako makatulog dahil may malaki akong project. May kaibigan akong blogger na matagal nang nagsasabing magaling daw ako sumulat kaya nagpapaturo siya sa akin. Hindi ko na lang sasabihin sa inyo kung sino, pero dahil kaibigan ko talaga siya, siniseryoso ko ang sinabi niya. Ayan tuloy, hindi  ako makatulog ngayon.

Sa isang linggo, nagpaplano kaming magkita para magsimula na pero wala pa rin akong maisip na magandang paraan para ituro sa kanya ang nalalaman ko. Una sa lahat, English na ang naging forte ko at hindi ko alam kung papaano nangyaring gumaling  -- daw -- ako sa pagsusulat. Malamang, hindi ko rin alam kung papaano ko yun ituturo sa kaniya. Hahaha! Pangalawa, pakiramdam ko, maaapektuhan ko rin siya dahil baka ma-stun siya sa mga ipapagawa kong writing exercises. Sabi ng mga taong pinamamahalaan ko sa office, grammar Natzi daw ako, so baka nga lumabas nga iyon. Pangatlo, baka hindi niya ako maintindihan. Weird nga kasi ako, so baka hindi ako maging mahusay sa pagtuturo.

Sana, maging OK ang lahat. Sana, makita ko na ang hinahanap kong strategy dahil andami kong naiisip na pwedeng magka-leche leche sa gagawin namin. Clueless na nga ako, grammar Natzi pa at weirdo so baka walang effect. Hay, buhay! Siguro, kung itutulog ko ito, magkakaroon din ako ng magandang sagot sa problemang ito. OK, wish me luck!

Wala na naman akong lakad ngayong weekend pero maganda na rin siguro iyon dahil nagkaroon ako ng pagkakataong magpahinga. Kahapon nga, na-comatose lang talaga ako -- as in tulug-na tulog ako mula umaga hanggang gabi. Gumising lang ako para kumain at magbanyo. Nasobrahan siguro ako sa pagod nitong mga nakalipas na araw.

Noong Huwebes kasi, may malaking pasabog sa opisina. Akala ko, papasok lang ako ng office para mag-meeting. Hindi pala. Dumating ang pasabog na ia-assume ko ang iba sa mga trabaho ng program manager namin. In a way, tinitingnan ko na lang na parang promotion ang mangyayari dahil magiging acting OIC ako para sa quality team ng opisina. Maraming turn-over ng mga files at instructions ang nangyari dahil magiging iba totally ang gagawin ko habang ako ang head ng quality team.

Bukod doon, nagturn-over din ako ng trabaho sa papalit sa akin bilang acting supervisor para sa dalawang team. Nagbilin ako ng mga sangkatutak na bilin sa team leader na  nasa ilalim ko para ma-fill niya naman ang "shoes" ko; sinabihan ko na rin siya ng mga problema ng mga taong ima-manage niya sa darating na linggo. Sana lang, kayanin niya at huwag siyang maloka.

Noong Biyernes naman, parang naghuling habilin na ako sa mga pasaway ng team ko. Kinausap ko sila isa-isa at sinabi ko sa kanila ang mga dapat nilang gawin at iwasang gawin para maging maayos ang paglilipat ko ng department. Inabot nga ako ng madaling araw dahil lang sa kakahuling habilin at di pa ako tapos. Madami pang natira.

In a way, parang magpapalit ako ng sasakyang mamanehuhin. Mula sa pagiging supervisor, magiging acting quality assurance officer in charge. Parang pagpapalit mula sa pagmamaneho ng jeep papunta sa pagmamaneho ng police car. Dati kasi, kailangan kong i-maintain ang productivity ng mga mga tao. Ngayon naman, kailangan kong mamulis ng gawa ng iba. Pakiramdam ko, magiging mas madali ang buhay ko pero hindi ko rin naman masasabi iyon nang may kasiguruhan. Pero siyempre, gagalingan ko kahit anong mangyari.

Uminom ako ng sleeping pill dahil dapat akong matulog ng maaga ngayon. Kaya lang, may dapat akong i-approve na comment at di magawa ng non-android phone ko ang pag-approve ng comment kaya heto ako -- hindi napigilang magpost ng bago.

Kaunti lang ang naisip kong i-post ngayon dahil blank ang utak ko dala ng sleeping pills. Isa sa mga natatandaan ko sa biyahe ang paglu-loop ko ng "We Owned the Night."

May nakatabi din akong lola. Hindi ko alam kung mahina ang pandinig niya pero di niya naintindihan yung "onse." Nagtatanong kasi siya kung magkano ang pamasahe papuntang Imus. Sabi ko sa kanya, "eleven." Walang nagsabi ng Tagalog na bilang kaya naisip ko, maglista na lang ngayon ng Tagalog na pagbibilang:

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam, sampu, labing-isa, labing-dalawa, labing-tatlo... dalawampu, dalawampu't isa, dalawampu't dalawa, dalawampu't tatlo... tatlumpu, tatlumpu't isa... apatnapu, apatnapu't isa... limampu, animnapu, pitumpu, walumpu, siyamnapu, isang daan, dalawang daan... limandaan... anim na raan, isang libo.

Kaunti na sigurong nakaka-alam masyado kung paano magbilang sa Tagalog. Sana meron pa para di ako masyadong nag-iisa. Umiral na naman ang pagka-weird ko, so tama na muna. Sa susunod na lang talaga ako magkukwento ng mas may katuturan (pero sa tingin ko, importante pa ring marunong magbilang sa Tagalog para di magaya sa lola kanina).

Marami sana akong ikukwento ngayong gabi kaya lang, dapat maaga ako magising mamaya. May meeting ako sa opisina at alam kong hindi na naman ako makakapagtrabaho ng maayos dahil doon. Post ito para sa Mierkules.

Pauwi ako ng Cavite. Kahit alam kong delikado sa Zapote, nilabas ko ang cell phone ko dahil hindi ko matiis na huwag makinig sa "We Owned the Night" ng Lady Antebellum:



Ito na nga ata ang pinakamasiglang kanta na tungkol sa isang one night stand na narinig ko sa buong buhay ko. Dahil siya ang favorite ko ngayon, niloop ko lang ang kanta, at pakiramdam ko, unti-unti akong napupuno ng saya sa bawat pag-ulit ng kanta. Sa sobrang ligayang naramdaman ko, medyo maluha-luha na ako nang dumating ako sa bayan ng Imus, at parang puputok ang puso ko sa saya. Mukha pa akong nagpa-private party habang nakaupo ako sa jeep. Weirdong pasahero. Hindi ko siya tinigilan hanggang makarating ako sa tapat ng pinto ng bahay namin.