Wala na naman akong maikukwento mula sa daan, pero meron namang magandang nangyari sa akin. Pangalawang linggo ko nang nasa bago kong posisyon at masasabi ko namang nag-eenjoy ako dito dahil nakapagre-review na naman ako ng mga essays ng mga estudyante -- ang original kong trabaho noong nagsisimula pa lang ako.

Sa totoo lang, mas nag-enjoy ako ngayong araw dahil naramdaman ko ang tamis ng tagumpay dahil sa to-do list ko. Simple lang ang listahan ko kanina:

P uminom ng tubig pagdating sa office
P mag-review ng dalawang essay
P mag-lunch/magyosi
magreview ng tatlong essay
magyosi
magreview ng dalawang essay
magyosi
O magreview ng tatlong essay
umuwi 

Sa siyam na tasks na nilista ko, isa lang ang di ko nagawa nang eksakto. Imbis na magreview ako ng tatlong essay ng sunud-sunod, nag-yosi ako bago ko gawin ang huling essay ko. Hindi na rin masama. Bukas, ipeperfect ko na tong list na ito dahil sobrang sarap talaga makakuha ng mga check marks kahit galing lang sa sarili. Anyway, teacher naman din ako. Hahaha!








Personal - Top Blogs Philippines

Tatlong araw na ang nakalipas nang huling mag-post ang kaibigan kong blogger na si Xander. Tatlong araw din akong naghintay ng post niya. Akala ko naman, kung ano na yung ipopost. Yun pala, sulat para sa dating katipan mangingibig. Isang parte ito ng orihinal na post na isinulat niya:

Let me just tell you straight that lately my feelings is really acting weird. At times I realized, what If I fought for you and that I didn't give up just like that. What If I didn't agree on the idea that we will never be together again. What If I said "No", when you said goodbye to be with someone. What if... I remember the movie "Letters to Juliet", we watched it together and it says... "What" and "If" are two words as non-threatening as words can be. But put them together side-by-side and they have the power to haunt you for the rest of your life: What if? What if? What if?
I admit "What if" is haunting me now. But everytime "what if" starts to disturbed me, I resist and keep away from it. That's the only way I know to keep myself from getting hurt. That's my way of protecting myself from possible pain (again). I am such a looser right?
Pagkatapos kong mabasa ang parte na iyon, umandar na ang automatic na jukebox sa ulo ko. Akalain niyo ba namang may kanta pala si Kate Winslet tungkol dun.



Naging paborito kong kanta ang "What If" noong unang panahon dahil naging busy ako sa pag-aalala tungkol sa mga bagay na, sana, nangyari. Maraming panahong nasayang lang dahil sa pagmumukmok ko sa kwarto habang nakahiga sa kama at umiinom ng pinaghalong Pepsi Blue at Red Horse -- nag-iisip ng ano pa nga ba kundi -- What if? Buti na lang, natauhan din ako. Buti na lang, may naisagot din akong kanta para sa "What If." Ito yun:



"Bless the Broken Road" ng Rascal Flatts. Simple lang naman ang sagot sa mga what if questions. Faith. Pananampalatayang ang lahat ay nangyayari dahil may dahilan. Sabi nga sa kanta, "It's all part of a grander plan that lead me straight to you." Optimism. Pagtingin sa magagandang parte ng buhay kahit sa unang tingin, hindi maganda ang mga nangyayari.

In a way, sulit na rin ang pag-hihintay ko sa post ni Xander. Nakahanap ako ng sound trip, na baka nga maging isang regular na parte na rin ng blog na ito. Kung nababasa mo tong post na to, dude, sana nga, makakawala ka na sa mga what ifs ng buhay mo at makuha mong tingnan ang mga kabiguang nangyari nang may pananalig at pag-asa. Tara na! Tagay na tayo sa Tagaytay!

Dalawang araw pa lang ang nakakalipas, marami nang nangyari sa buhay ko. May gulo sa opisina -- isang hidwaang dala ng katotohanang sumambulat, ikinagulat, at ikinagalit ng maraming tao -- at naipit na naman ako sa gitna dahil itinuturing na mitsa ng gulo ang isa sa aking mga tao. Lahat ng ito ay nangyari noong Lunes. Kanina tuloy, habang nakaupo ako sa van papuntang Alabang, marami akong napatunayan tungkol sa katotohanan, pakikipag-kaibigan, at pagpapakatao.

Totoong nabubunyag ang katotohanan kahit itago pa ito sa kailaliman ng baul sa gitna ng dagat. Nagsimula kasi ang gulo sa office dahil may isang taong nagkimkim ng sama ng loob laban sa isa pang tao. Naikuwento niya ang sama ng loob niya sa isa pang tao (take note, pangatlong tao na ito), na sa di inaasahang pagkakataon ay naisiwalat ang lahat sa taong pinagkimkiman ng galit. Ang ending? KABOOOM! Malaking gulo sa Facebook!

Totoo ding kung ang pagkakaibigan ng dalawang tao ay tunay, magkakaintindihan sila kahit ano man ang mangyari. Tungkol sa akin ang pangalawang realization na ito. Siyempre, kasi tauhan ko ang ang nagsiwalat ng kwento sa taong nagwala sa Facebook eh. Nagkataon namang ang ibang mga sangkot sa gulo ay hawak ng kaibigan kong supervisor din. Dahil naaapektuhan na ang trabaho ng mga tao niya dahil sa gulo, may away tuloy sila ng tao ko. Ako naman, mariin kong pinangangalagaan ang katinuan ng tao ko at sinasabihan siyang huwag nang umimik pa para hindi na siya awayin ng kaibigan ko. Sa kabila ng lahat, kami ng kaibigan kong supervisor ay masaya pa ring nagtatawanan kahit na ibang iba ang mga pananaw namin sa nangyayari.

Ikatlo at higit sa lahat, importanteng gumawa ng tama kahit pa anong mangyari. Kung tutuusin, advice ko ito sa lahat ng sangkot sa gulo. Para sa taong nagagalit dahil may narinig siyang masama tungkol sa kanya, dapat hindi na lang siya gumawa ng irereklamo sa kanya ng ibang tao. Para sa tao kong napagkwentuhan at nagsiwalat ng kinimkim na galit, dapat alam niya na kung sinabi sa kanya ang masasamang ugali ng isang tao, hindi na niya iyon dapat pang sinabi kahit kanino dahil lagi namang may kasamang "atin-atin na lang ito" ang ganong mga usapan. Para sa taong nagtago ng hinanakit, dapat di na rin niya binanggit sa iba ang hinanakit niya. Dumiretso na lang dapat siya sa taong kinaiinisan niya kapag malamig na ang ulo niya. Maganda sana ang mga "dapat" na nakalagay dito, pero alam naman natin ang kasabihan: nasa huli ang pagsisisi.

Marami pa akong naisip pero nakalimutan ko na ang iba dahil nagbabadya na ang pagbabago ko ng tungkulin sa opisina kaya nakalimutan ko na. Sayang -- kasi naman, nakakaaliw yung mga nakalimutan ko at hindi kasing bigat ng naiblog ko ngayong madaling araw. Anyway, maaalala ko rin iyon sana.

Hindi ako makatulog dahil may malaki akong project. May kaibigan akong blogger na matagal nang nagsasabing magaling daw ako sumulat kaya nagpapaturo siya sa akin. Hindi ko na lang sasabihin sa inyo kung sino, pero dahil kaibigan ko talaga siya, siniseryoso ko ang sinabi niya. Ayan tuloy, hindi  ako makatulog ngayon.

Sa isang linggo, nagpaplano kaming magkita para magsimula na pero wala pa rin akong maisip na magandang paraan para ituro sa kanya ang nalalaman ko. Una sa lahat, English na ang naging forte ko at hindi ko alam kung papaano nangyaring gumaling  -- daw -- ako sa pagsusulat. Malamang, hindi ko rin alam kung papaano ko yun ituturo sa kaniya. Hahaha! Pangalawa, pakiramdam ko, maaapektuhan ko rin siya dahil baka ma-stun siya sa mga ipapagawa kong writing exercises. Sabi ng mga taong pinamamahalaan ko sa office, grammar Natzi daw ako, so baka nga lumabas nga iyon. Pangatlo, baka hindi niya ako maintindihan. Weird nga kasi ako, so baka hindi ako maging mahusay sa pagtuturo.

Sana, maging OK ang lahat. Sana, makita ko na ang hinahanap kong strategy dahil andami kong naiisip na pwedeng magka-leche leche sa gagawin namin. Clueless na nga ako, grammar Natzi pa at weirdo so baka walang effect. Hay, buhay! Siguro, kung itutulog ko ito, magkakaroon din ako ng magandang sagot sa problemang ito. OK, wish me luck!

Wala na naman akong lakad ngayong weekend pero maganda na rin siguro iyon dahil nagkaroon ako ng pagkakataong magpahinga. Kahapon nga, na-comatose lang talaga ako -- as in tulug-na tulog ako mula umaga hanggang gabi. Gumising lang ako para kumain at magbanyo. Nasobrahan siguro ako sa pagod nitong mga nakalipas na araw.

Noong Huwebes kasi, may malaking pasabog sa opisina. Akala ko, papasok lang ako ng office para mag-meeting. Hindi pala. Dumating ang pasabog na ia-assume ko ang iba sa mga trabaho ng program manager namin. In a way, tinitingnan ko na lang na parang promotion ang mangyayari dahil magiging acting OIC ako para sa quality team ng opisina. Maraming turn-over ng mga files at instructions ang nangyari dahil magiging iba totally ang gagawin ko habang ako ang head ng quality team.

Bukod doon, nagturn-over din ako ng trabaho sa papalit sa akin bilang acting supervisor para sa dalawang team. Nagbilin ako ng mga sangkatutak na bilin sa team leader na  nasa ilalim ko para ma-fill niya naman ang "shoes" ko; sinabihan ko na rin siya ng mga problema ng mga taong ima-manage niya sa darating na linggo. Sana lang, kayanin niya at huwag siyang maloka.

Noong Biyernes naman, parang naghuling habilin na ako sa mga pasaway ng team ko. Kinausap ko sila isa-isa at sinabi ko sa kanila ang mga dapat nilang gawin at iwasang gawin para maging maayos ang paglilipat ko ng department. Inabot nga ako ng madaling araw dahil lang sa kakahuling habilin at di pa ako tapos. Madami pang natira.

In a way, parang magpapalit ako ng sasakyang mamanehuhin. Mula sa pagiging supervisor, magiging acting quality assurance officer in charge. Parang pagpapalit mula sa pagmamaneho ng jeep papunta sa pagmamaneho ng police car. Dati kasi, kailangan kong i-maintain ang productivity ng mga mga tao. Ngayon naman, kailangan kong mamulis ng gawa ng iba. Pakiramdam ko, magiging mas madali ang buhay ko pero hindi ko rin naman masasabi iyon nang may kasiguruhan. Pero siyempre, gagalingan ko kahit anong mangyari.

Uminom ako ng sleeping pill dahil dapat akong matulog ng maaga ngayon. Kaya lang, may dapat akong i-approve na comment at di magawa ng non-android phone ko ang pag-approve ng comment kaya heto ako -- hindi napigilang magpost ng bago.

Kaunti lang ang naisip kong i-post ngayon dahil blank ang utak ko dala ng sleeping pills. Isa sa mga natatandaan ko sa biyahe ang paglu-loop ko ng "We Owned the Night."

May nakatabi din akong lola. Hindi ko alam kung mahina ang pandinig niya pero di niya naintindihan yung "onse." Nagtatanong kasi siya kung magkano ang pamasahe papuntang Imus. Sabi ko sa kanya, "eleven." Walang nagsabi ng Tagalog na bilang kaya naisip ko, maglista na lang ngayon ng Tagalog na pagbibilang:

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam, sampu, labing-isa, labing-dalawa, labing-tatlo... dalawampu, dalawampu't isa, dalawampu't dalawa, dalawampu't tatlo... tatlumpu, tatlumpu't isa... apatnapu, apatnapu't isa... limampu, animnapu, pitumpu, walumpu, siyamnapu, isang daan, dalawang daan... limandaan... anim na raan, isang libo.

Kaunti na sigurong nakaka-alam masyado kung paano magbilang sa Tagalog. Sana meron pa para di ako masyadong nag-iisa. Umiral na naman ang pagka-weird ko, so tama na muna. Sa susunod na lang talaga ako magkukwento ng mas may katuturan (pero sa tingin ko, importante pa ring marunong magbilang sa Tagalog para di magaya sa lola kanina).

Marami sana akong ikukwento ngayong gabi kaya lang, dapat maaga ako magising mamaya. May meeting ako sa opisina at alam kong hindi na naman ako makakapagtrabaho ng maayos dahil doon. Post ito para sa Mierkules.

Pauwi ako ng Cavite. Kahit alam kong delikado sa Zapote, nilabas ko ang cell phone ko dahil hindi ko matiis na huwag makinig sa "We Owned the Night" ng Lady Antebellum:



Ito na nga ata ang pinakamasiglang kanta na tungkol sa isang one night stand na narinig ko sa buong buhay ko. Dahil siya ang favorite ko ngayon, niloop ko lang ang kanta, at pakiramdam ko, unti-unti akong napupuno ng saya sa bawat pag-ulit ng kanta. Sa sobrang ligayang naramdaman ko, medyo maluha-luha na ako nang dumating ako sa bayan ng Imus, at parang puputok ang puso ko sa saya. Mukha pa akong nagpa-private party habang nakaupo ako sa jeep. Weirdong pasahero. Hindi ko siya tinigilan hanggang makarating ako sa tapat ng pinto ng bahay namin.

Akala ko, wala akong maibo-blog ngayon pero meron pala. By the way, post ito para sa kahapon, Martes. Ngayon lang ako nakauwi eh. Wala naman kasing notable na nangyari sa akin papasok. Nung pauwi na ako, ayun. May dalawang realization ako.

Una, dapat tingnan ng isang tao ang ugali ng mahal kapag lasing ito. Kanina kasi, noong nakabusangot ang nguso ko sa isang mabahong parte ng Alabang-Zapote Road, may sumakay na mag-asawa ata. Lasing ang lalaki. Ang sabi niya, "Anong pakialam ko sa cell phone mo." Minura -- as in PI -- pa ng mama ang babae, pero nakalimutan ko na kung bakit. Please tandaan niyo yang first factor na iyan ha. Ito ang second factor: "in vino veritas." Ang ibig sabihin, "sa alak, may katotohanan." Kahit di ako magaling mag-math pag dating sa numero, magaling ako magmath ng ugali ng tao. Kung totoo ang lahat ng mga factors na ito, ang ibig sabihin lang, dapat hiwalayan na ng babae yung lalaki kasi hindi siya marespeto ng lalaki. Hindi excuse yung lasing ang mama dahil kung mahal niya yung babae -- oo medyo malaswa -- pero dapat, kiss or mga ka-cheesihan ang babanggitin niya diba? Ewan lang kung agree kayo pero yon talaga ang naisip ko.

Pangalawa, dapat pala, di natin ginagalit ang mga tao. Naisip ko ito nung may nakatabi ako sa harap na upuan ng jeep mula Zapote hanggang Imus. Sumakay ako sa front seat na may hawak na yosi. Yung lalaki, nagtakip ng ilong. Dahil nga sensitive ako sa ganyan, naisip kong hindi niya gusto mausukan. Wala naman akong magawa dahil di ko naman kayang baguhin yung direksiyon ng hangin. Ang ending, tinapon ko ang yosi. Parang galit yata yun. Kailangan kong i-straight English ang next, so here goes: we should not anger people (especially Brio). When people get angry, they fume with anger. At dahil lahat tayo, hindi natin kayang kontrolin ang ihip ng hangin, hindi natin kayang piliin lang ang mga "mauusukan" or tatamaan ng galit natin. Kung ibang tao naman yung magagalit, kahit ayaw natin maapektuhan, baka di rin tayo nakaiwas. Ayun.

Dahil antok na ako, yun lang muna for tonight. Dahil naabutan akong gising ng isa kong friend, si Xander, babatiin ko siya! Hi Xander! Welcome to my blog! Ayan, parang radyo lang di ba? Ok, so hanggang sa muli!

Mapamahiin akong tao. Siguro, dala na rin yon ng pagpapalaki sa akin dito sa Cavite. Siyempre, kahit sa pagbibiyahe, may pamahiin din, at hindi ko alam kung sakto nga ba ang nangyari sa akin kanina dun sa pamahiin. Ang sabi kasi sa akin ng mga tiyahin ko, kapag daw papaalis pa lang at may kamalasan nang nangyari, huwag na lang daw ituloy.

Kanina, papasok na ako sa office. Kailangan kong dumaan sa kantong hinukay ng M_______, at HOLY KAMOTE! Baha na naman siya. Buti na lang, may mga sako na silang nilagay para may malakaran na ang mga taong lalabas ng baranggay namin. Ginalingan ko ang pagtawid sa sako. Parang tight rope act ang galing kong magbalance para lang di malaglag sa putik. Malapit na sana ako sa safe zone -- lugar na walang baha at putik -- nang may dumaang nagma-mountain bike sa tabi ko. Nope, hindi ako nabasa ng mountain bike. Nagdahan-dahan kasi ang manong. Kaya lang, na-out of balance siya, at guess what? Nang itinukod niya ang paa niya sa binahang kalsada, tumalsik ang pagkarami-raming putik sa pantalon ko. Strike one!

Kahit gusto ko nang umuwi para magpalit ng damit, tinuloy ko pa rin ang lakad ko. Gusto ko kasi sanang makarating sa office ng maaga. Lunes kasi. Maganda naman ang nangyari. Pagdating ko sa van station papuntang Alabang, dalawa na lang ang kulang kaya maaga nga akong nakarating ng office.

Strike two! Pagbukas pa lang ng elevator, patay na ang ilaw sa office. Kitang kita naman kasi dahil salamin ang pinto namin. May nasira pala sa circuit ng floor namin. Kami lang sa buong building ang walang kuryente. Asar, di ba? Alas-10 ng umaga nagstart ang power outage. Nireport naman ng tech namin sa administration ng building pero wala daw silang engineer dahil holiday. Nyek! Alam naman nilang may mga tenant silang hindi sumasanto sa kahit anong holiday, wala silang backup na engineer. Hay! Paalis pa lang ng bahay ang engineer. Sinabi nila yon ng mga alas-11, at wala daw silang maipapangakong oras kung kailan dadating. Malaking aksaya ng oras -- kasing laki ng building namin. Ang ending, umuwi na lang ako dahil naisip ko, baka maka-strike three na ako.

Takot ako sa strike three dahil "third time's the charm daw." Mas nakakatako pala ang baseball. "Three strikes and you're out!"

Ayun. Magaling, di ba? Kung ibang tao siguro ako, sasabihin kong sira na ang araw ko. Buti na lang, ako ako. Hindi ko na hinayaang masira ang mood ko. Masyado pang maaga yung alas-2 ng hapon para ma-bad trip.

Linggo. Wala akong pasok sa opisina kaya naman wala akong maipopost na galing sa kalsada. Tama lang siguro pero habang nagpapahinga ako kanina, inaya ako ng kapatid kong manood ng isang pelikula at nakatagpo pa ako ng pangalawa sa TV.

Sabi ng kapatid ko, panoorin daw namin ang There be Dragons. Isa itong pelikula tungkol sa buhay ng isang santo, si Jose Maria Escriva. Actually, hindi. Tungkol itong pelikulang ito sa isang writer na nagre-research ng buhay ng santo. Kakilala ng tatay niya ang santo kaya sinubukan niyang kumuha ng impormasyon pero higit pa sa kanyang inaasahan ang nalaman niya. Mas nakilala niya ang amang kanyang kinamuhian at ginulantang siya ng isang katotohanan tungkol sa sarili niya.

Si St. Jose Maria ang nagpasimuno ng Opus Dei movement na nilapastangan ginamit ni Dan Brown sa DaVinci Code. Sa totoo lang, naiinis ako kay Dan Brown dahil mali naman ang imahe na ipinakita niya tungkol sa Opus Dei. Ang gusto lang naman ng Opus Dei ay gawin ng mga tao ng maayos ang kanilang pang-araw-araw na tungkulin at ialay iyon sa Diyos.  Kaya nga Opus Dei eh, work of God. Sobrang unfair ang treatment na ginawa ni Dan Brown para sa Opus Dei.

Nagustuhan ko itong pelikulang ito dahil marami akong natutunan. Naging mas "tao" para sa akin ang santo na lagi kong naririnig noong high school pa ako. Opus Dei philosophy kasi ang itinuturo nila sa amin noon, at sa awa ng Diyos, isinasabuhay ko pa rin iyon hanggang sa ngayon. Bukod doon, naging mas klaro na rin ang dapat ko gawin sa buhay ko. May kinaiinisan kasi akong tao sa office. Hindi ko na idedetalye kung bakit pero alam ko na ang gagawin ko para hindi ako mainis sa kanya. Kailangan ko lang itutok ang pansin ko sa pagiging isang mahusay na supervisor, magiging ok din ang lahat.

I-rerecommed kong panoorin ninyo itong sineng ito para naman hindi masira ang image ng Opus Dei. Isa pa, masyadong maganda ang mga moral lessons dito. Baka nga kung susundin nating lahat si St. Jose Maria, magkikita-kita tayong lahat sa langit. Warning lang: hindi ito light na sine, so huwag na huwag kayong mag-eexpect na nakakagaan ito ng damdamin. Sniff... sniff... naiyak nga ako dito eh.

Pagkatapos noon, naglinis ako ng aquarium ko. Nakakapagod din palang maglinis ng aquarium dahil sobrang daming tubig ang involved. Yung tubig na marumi at nakadidiri na kailangang palitan. Yung tubig na ipanglilinis sa buhangin. Yung tubig na paglalagyan pansamantala para sa isda. Yung tubig na ilalagay sa aquarium. Hay, pakiramdam ko, malulunod ako. In the end, masaya naman ako dahil mas malinis nang tingnan ang aquarium ko at parang nagte-thank you pa nga ang mga isda sa akin. 

Hindi pa masyadong gabi kaya naisipan kong manood ulit ng TV. Sa di inaasahang pagkakataon, naumpisan ko naman ang The Diary of a Wimpy Kid sa StarMovies. Tungkol naman ito sa isang bata, si Greg, na nagstart ng middle school. Ang lakas ng loob kong magbigay ng summary eh ako naman ang huli sa balita.

Any way, hindi ko masyadong nagustuhan ang asal ni Greg sa sineng ito dahil sobrang obsessed siya na maging sikat. Noong bata ako, hindi ko nga maisip na importante pala yon. Ang importante, yung me jolen (marbles) ako at makapag-Jollibee. Si Greg, kinareer niya ng todo para lang maging sikat at mailagay sa class favorites section ng yearbook nila. Sobrang minastermind niya ang pagsikat niya. Ayun. Lahat ng balak niya, palpak. Inaway pa niya ang best friend niya. Naku, gusto kong tuktukan yung batang iyon. Pasaway eh.

Dahil pambata itong sine, siyempre, may moral lesson. Sabi sa akin ng pelikula, "Huwag mo i-mastermind ang pagsikat mo. Papalpak ka lang. Dapat, magpakatoo ka lang." Maraming bagay ang nasisira dahil sa kakaisip. Parang kagwapuhan. Kung alam mong gwapo ka, sigurado, aangas ka at di magtatagal kagwapuhan mo dahil maraming maiinis sa iyo. Just keep smiling para laging cute, di ba? Sa mga nakapanood na, siguro makukuha ninyo yung lesson pero sa mga hindi pa rin nakakapanood, ok naman siyang panoorin. Hindi aksaya ng oras pero hindi rin naman masyadong ganda.

Hindi rin naman pala masyadong boring ang blog post ko kahit di ako bumiyahe. Nakaisip ako ng tama at marapat na gagawin para hindi ako mainis sa isang officemate ko galing sa There be Dragons. Naisip ko ring huwag aksayahin ang oras sa kakaisip ng dapat mangyari mula sa The Diary of a Wimpy Kid; dapat, magpakatotoo lang. All in all, masaya ako na nakapanood ako ng dalawang pelikulang nakapagbigay din sa akin ng mga pwedeng i-share sa mundo.

Wala na akong masabi kung hindi "HOLY KAMOTE!" dahil sa sobrang traffic na ginagawa ng M_______ sa Aguinaldo Highway. Ang dating five-minute commute mula sa bahay namin papuntang Imus, ngayon, halos thirty minutes na. In other words, "HOLY KAMOTE!" Di bale. Di naman nasayang ang oras na ginugol ko sa jeep papasok sa office kaninang tanghali. Pumreno kasi ang driver. Ginawa niya iyon dahil may nakahambalang na namang mga hukay. Anong connection nun sa gusto ko sabihin? Naisip ko kasi na importanteng magpatigil-tigil sa kalsada o kaya naman ay sa buhay. Dapat makaiwas na sa gulo sa pamamagitan ng biglang pagtigil kahil malayo pa lang; biglang pagtigil kung may bubulaga sa harapan mo; at higit sa lahat, tumigil o huwag nang umandar kahit wala o malayo pa ang lalakbayin.

Halimbawa, dapat pumreno kapag malayo pa lang, may nakikita ka nang sign na nagsasabing "Pasensiya sa abala, dadaloy din ang ginhawa." Sa loob-loob ko lang, nakakapikon ang sign na iyon at gusto ko siyang sagasaan pero hindi naman talaga dapat; baka makulong lang ako. Sa ganitong sitwasyon, dapat dahan-dahan ang pagpreno para ang mga lamang pasahero ng jeep, hindi titilapon sa kung saan-saan. Mahirap na. Baka mag-shoot sila sa butas na hinuhukay ng M_______. Sa buhay din, ganon. May mga bagay na ikapapahamak natin at malayo pa lang, may makikita na tayong signs. Kunyari, sa love. Lahat tayo, may nararamdamang bulong ng puso kung alam nating di na magtatagal ang relasyon. Dapat din, dahan-dahan ang pagkalas natin dun sa taong malamang-lamang ay makikipag-break/ibe-break. Baka kasi biglang magpakamatay or madepress, di ba?

Next, dapat ding pumreno kung may bubulaga sa windshield mo. This time, dapat biglaan. Kahit na magtilapunan ang pasahero sa jeep o kaya naman ay maglaglagan ang mga stuffed toys sa kotse, at least, buhay ka. Sa buhay din naman, ganun. Sa tingin ko, magandang halimbawa dito yung malalaking problema tulad ng pagharap sa isang malaki at importanteng desisyon. Minsan, di maiiwasang magkaganon tayo. Malamang na malamang, may ka-engotan tayong nagawa na nagbigay sa atin ng problemang ganun. Hindi lang natin alam dahil baka maliit na bagay lang ang pinanggalingan nito -- tulad ng maling status sa Facebook. Dito naman sa scenario na to, ang pagtigil ay mas mental kaysa emotional. Dapat, tumigil muna tayong mag-react para di mali ang mapili nating desisyon. Mag-isip muna ng mabuti. Kahit di umuusad, at least, walang sakit na dadanasin.

Meron pang pang-huli. May mga pagkakataon naman na malayo pa lang kita mo nang may problema sa kalsada pero kailangan mo nang tumigil bigla. Mas maganda nga sana, huwag muna magpaandar ng sasakyan para iwas traffic o kaya naman ay iwas baha. Kung sa totoong buhay, itutumbas ko ito sa mga bisyo. Alam naman nating masama bago pa lang natin umpisahan kaya sana talagang huwag na lang o kaya naman ay talagang tigilan na. Itong pangatlo ang dapat na sinusunod ko kasi nagyoyosi ako. Hindi ko nga lang masunod ito. Sorry, may pagkahipokrito pala ako at galit pa naman ako sa taong ganun. Hay! May lumabas tuloy akong sariling baho.

Kahit nakakainis ang patigil-tigil, ng jeep o sa buhay, importante din naman tumigil. Kahit malayo man o biglang lumabas ang problema, may sense ang pagtigil, maging bigla man ito o dahan-dahan. Ayan tuloy! Kahit gusto kong sigawan ng "HOLY KAMOTE" ang mga trabahador ng M_______, hindi ko magawa. Dahil sa traffic na dulot nila, may natututunan din naman.

Nakasakay ako ng jeep pauwi. Pinag-iisipan ko kung papatulan ko ulit ang Blogger dahil lang sa naglagay ng dynamic views template ang mokong nang walang anu-ano, tumalsik sa akin ang isang bagay. Pagtingin ko, yung display na asong tatango-tango pala ng mamang driver. Pinulot ko ang aso at ibinalik sa dashboard pero kinuha ng driver at nilagay na lang sa isang butas na lalagyan niya ng basahan. Ang bait naman ng mama. Naisip siguro niya, baka tumalsik ulit sa akin ang aso kaya tinago na lang niya.

Kahit nakatabi na ang aso, nakikita ko pa rin ang ulo niya. Tinitigan ko ang aso, at parang malungkot ang tingin niya sa akin. Parang naaawa. Parang sinasabi niya, "Kawawa ka naman, Brio. Walang nagmamahal sa iyo." Sapul! Pakiramdam ko talaga, walang nagmamahal sa akin kaya hindi ko matagalan ang titig ng aso. Nilipat ko ang tingin ko sa labas ng jeep, sa mga nadadaanan. Sa kasamaang palad, mas naawa ako sa sarili ko dahil may nadaanan kaming dalawang mama. Well, ewan kung mama nga kasi magka-holding hands sila. Sa sobrang lungkot ko, nainggit ako kasi, ang sweet nila tingnan. This is it, pansit! Sign na nga yata iyon na desperado na ko. Naiinggit ako sa dalawang mamang magka-holding hands!

Siyempre, binalik ko na lang ang tingin ko sa loob ng jeep. Hay! Nakatitig pa rin ang aso sa akin. Mas malungkot na ang mga mata niya. Mas naaawa. Umiiling-iling pa ang ulo -- sarap tadyakan. Hindi ko tuloy mahintay na makababa ng jeep para di ko na siya makita at di na niya ako hamakin sagad hanggang buto. Ang ending? Ito. Pinatulan ko na ang Blogger dahil siya lang ang nakakaalala sa akin. Pinadalhan niya ako ng email na nag-iimbitang gumawa na naman ako ng bagong blog.