Dalawang araw pa lang ang nakakalipas, marami nang nangyari sa buhay ko. May gulo sa opisina -- isang hidwaang dala ng katotohanang sumambulat, ikinagulat, at ikinagalit ng maraming tao -- at naipit na naman ako sa gitna dahil itinuturing na mitsa ng gulo ang isa sa aking mga tao. Lahat ng ito ay nangyari noong Lunes. Kanina tuloy, habang nakaupo ako sa van papuntang Alabang, marami akong napatunayan tungkol sa katotohanan, pakikipag-kaibigan, at pagpapakatao.

Totoong nabubunyag ang katotohanan kahit itago pa ito sa kailaliman ng baul sa gitna ng dagat. Nagsimula kasi ang gulo sa office dahil may isang taong nagkimkim ng sama ng loob laban sa isa pang tao. Naikuwento niya ang sama ng loob niya sa isa pang tao (take note, pangatlong tao na ito), na sa di inaasahang pagkakataon ay naisiwalat ang lahat sa taong pinagkimkiman ng galit. Ang ending? KABOOOM! Malaking gulo sa Facebook!

Totoo ding kung ang pagkakaibigan ng dalawang tao ay tunay, magkakaintindihan sila kahit ano man ang mangyari. Tungkol sa akin ang pangalawang realization na ito. Siyempre, kasi tauhan ko ang ang nagsiwalat ng kwento sa taong nagwala sa Facebook eh. Nagkataon namang ang ibang mga sangkot sa gulo ay hawak ng kaibigan kong supervisor din. Dahil naaapektuhan na ang trabaho ng mga tao niya dahil sa gulo, may away tuloy sila ng tao ko. Ako naman, mariin kong pinangangalagaan ang katinuan ng tao ko at sinasabihan siyang huwag nang umimik pa para hindi na siya awayin ng kaibigan ko. Sa kabila ng lahat, kami ng kaibigan kong supervisor ay masaya pa ring nagtatawanan kahit na ibang iba ang mga pananaw namin sa nangyayari.

Ikatlo at higit sa lahat, importanteng gumawa ng tama kahit pa anong mangyari. Kung tutuusin, advice ko ito sa lahat ng sangkot sa gulo. Para sa taong nagagalit dahil may narinig siyang masama tungkol sa kanya, dapat hindi na lang siya gumawa ng irereklamo sa kanya ng ibang tao. Para sa tao kong napagkwentuhan at nagsiwalat ng kinimkim na galit, dapat alam niya na kung sinabi sa kanya ang masasamang ugali ng isang tao, hindi na niya iyon dapat pang sinabi kahit kanino dahil lagi namang may kasamang "atin-atin na lang ito" ang ganong mga usapan. Para sa taong nagtago ng hinanakit, dapat di na rin niya binanggit sa iba ang hinanakit niya. Dumiretso na lang dapat siya sa taong kinaiinisan niya kapag malamig na ang ulo niya. Maganda sana ang mga "dapat" na nakalagay dito, pero alam naman natin ang kasabihan: nasa huli ang pagsisisi.

Marami pa akong naisip pero nakalimutan ko na ang iba dahil nagbabadya na ang pagbabago ko ng tungkulin sa opisina kaya nakalimutan ko na. Sayang -- kasi naman, nakakaaliw yung mga nakalimutan ko at hindi kasing bigat ng naiblog ko ngayong madaling araw. Anyway, maaalala ko rin iyon sana.

Leave a Reply

Sige na. Wag ka nang mahiya. Mag-comment ka na... please.