Nakasakay ako ng jeep pauwi. Pinag-iisipan ko kung papatulan ko ulit ang Blogger dahil lang sa naglagay ng dynamic views template ang mokong nang walang anu-ano, tumalsik sa akin ang isang bagay. Pagtingin ko, yung display na asong tatango-tango pala ng mamang driver. Pinulot ko ang aso at ibinalik sa dashboard pero kinuha ng driver at nilagay na lang sa isang butas na lalagyan niya ng basahan. Ang bait naman ng mama. Naisip siguro niya, baka tumalsik ulit sa akin ang aso kaya tinago na lang niya.

Kahit nakatabi na ang aso, nakikita ko pa rin ang ulo niya. Tinitigan ko ang aso, at parang malungkot ang tingin niya sa akin. Parang naaawa. Parang sinasabi niya, "Kawawa ka naman, Brio. Walang nagmamahal sa iyo." Sapul! Pakiramdam ko talaga, walang nagmamahal sa akin kaya hindi ko matagalan ang titig ng aso. Nilipat ko ang tingin ko sa labas ng jeep, sa mga nadadaanan. Sa kasamaang palad, mas naawa ako sa sarili ko dahil may nadaanan kaming dalawang mama. Well, ewan kung mama nga kasi magka-holding hands sila. Sa sobrang lungkot ko, nainggit ako kasi, ang sweet nila tingnan. This is it, pansit! Sign na nga yata iyon na desperado na ko. Naiinggit ako sa dalawang mamang magka-holding hands!

Siyempre, binalik ko na lang ang tingin ko sa loob ng jeep. Hay! Nakatitig pa rin ang aso sa akin. Mas malungkot na ang mga mata niya. Mas naaawa. Umiiling-iling pa ang ulo -- sarap tadyakan. Hindi ko tuloy mahintay na makababa ng jeep para di ko na siya makita at di na niya ako hamakin sagad hanggang buto. Ang ending? Ito. Pinatulan ko na ang Blogger dahil siya lang ang nakakaalala sa akin. Pinadalhan niya ako ng email na nag-iimbitang gumawa na naman ako ng bagong blog.

Leave a Reply

Sige na. Wag ka nang mahiya. Mag-comment ka na... please.