Wala na akong masabi kung hindi "HOLY KAMOTE!" dahil sa sobrang traffic na ginagawa ng M_______ sa Aguinaldo Highway. Ang dating five-minute commute mula sa bahay namin papuntang Imus, ngayon, halos thirty minutes na. In other words, "HOLY KAMOTE!" Di bale. Di naman nasayang ang oras na ginugol ko sa jeep papasok sa office kaninang tanghali. Pumreno kasi ang driver. Ginawa niya iyon dahil may nakahambalang na namang mga hukay. Anong connection nun sa gusto ko sabihin? Naisip ko kasi na importanteng magpatigil-tigil sa kalsada o kaya naman ay sa buhay. Dapat makaiwas na sa gulo sa pamamagitan ng biglang pagtigil kahil malayo pa lang; biglang pagtigil kung may bubulaga sa harapan mo; at higit sa lahat, tumigil o huwag nang umandar kahit wala o malayo pa ang lalakbayin.

Halimbawa, dapat pumreno kapag malayo pa lang, may nakikita ka nang sign na nagsasabing "Pasensiya sa abala, dadaloy din ang ginhawa." Sa loob-loob ko lang, nakakapikon ang sign na iyon at gusto ko siyang sagasaan pero hindi naman talaga dapat; baka makulong lang ako. Sa ganitong sitwasyon, dapat dahan-dahan ang pagpreno para ang mga lamang pasahero ng jeep, hindi titilapon sa kung saan-saan. Mahirap na. Baka mag-shoot sila sa butas na hinuhukay ng M_______. Sa buhay din, ganon. May mga bagay na ikapapahamak natin at malayo pa lang, may makikita na tayong signs. Kunyari, sa love. Lahat tayo, may nararamdamang bulong ng puso kung alam nating di na magtatagal ang relasyon. Dapat din, dahan-dahan ang pagkalas natin dun sa taong malamang-lamang ay makikipag-break/ibe-break. Baka kasi biglang magpakamatay or madepress, di ba?

Next, dapat ding pumreno kung may bubulaga sa windshield mo. This time, dapat biglaan. Kahit na magtilapunan ang pasahero sa jeep o kaya naman ay maglaglagan ang mga stuffed toys sa kotse, at least, buhay ka. Sa buhay din naman, ganun. Sa tingin ko, magandang halimbawa dito yung malalaking problema tulad ng pagharap sa isang malaki at importanteng desisyon. Minsan, di maiiwasang magkaganon tayo. Malamang na malamang, may ka-engotan tayong nagawa na nagbigay sa atin ng problemang ganun. Hindi lang natin alam dahil baka maliit na bagay lang ang pinanggalingan nito -- tulad ng maling status sa Facebook. Dito naman sa scenario na to, ang pagtigil ay mas mental kaysa emotional. Dapat, tumigil muna tayong mag-react para di mali ang mapili nating desisyon. Mag-isip muna ng mabuti. Kahit di umuusad, at least, walang sakit na dadanasin.

Meron pang pang-huli. May mga pagkakataon naman na malayo pa lang kita mo nang may problema sa kalsada pero kailangan mo nang tumigil bigla. Mas maganda nga sana, huwag muna magpaandar ng sasakyan para iwas traffic o kaya naman ay iwas baha. Kung sa totoong buhay, itutumbas ko ito sa mga bisyo. Alam naman nating masama bago pa lang natin umpisahan kaya sana talagang huwag na lang o kaya naman ay talagang tigilan na. Itong pangatlo ang dapat na sinusunod ko kasi nagyoyosi ako. Hindi ko nga lang masunod ito. Sorry, may pagkahipokrito pala ako at galit pa naman ako sa taong ganun. Hay! May lumabas tuloy akong sariling baho.

Kahit nakakainis ang patigil-tigil, ng jeep o sa buhay, importante din naman tumigil. Kahit malayo man o biglang lumabas ang problema, may sense ang pagtigil, maging bigla man ito o dahan-dahan. Ayan tuloy! Kahit gusto kong sigawan ng "HOLY KAMOTE" ang mga trabahador ng M_______, hindi ko magawa. Dahil sa traffic na dulot nila, may natututunan din naman.

Leave a Reply

Sige na. Wag ka nang mahiya. Mag-comment ka na... please.